Ang kahalagahan ng pahinga, part 3
Ang kahalagahan ng pahinga, part 3
Yamang natalakay natin ang pangangailangan ng pahinga ng manggagawa ng Diyos, tingnan natin kung bakit ito mahalaga.
Una sa lahat ang Diyos ang modelo ng pangangailangan ng pahinga. Sa unang kabanata ng Genesis, una nating nasumpungan ang Diyos bilang isang manggagawa. Matapos Niyang magawa ang lahat na dapat gawin, Siya ay nagpahinga, hindi dahil sa Siya ay pagod kundi dahil tapos na ang Kaniyanh gawain. Ito ay padrong dapat gawin ng mga ministro- kapag tapos na ang gawa, panahon na para magpahinga, pagod man o hindi. Ang pamamahinga ay bahagi ng natural na siklo ng pagtatrabaho: Trabaho-pahinga-trabaho-ulit.
Ikalawa, ito ay ginawa ng Diyos na bahagi ng Sampung Utos. Dahil sa maling pagkaunawa ng ikaapat na utos, ginawa ito ng relihiyon, magpalegalistang Judio man o legalistang Sangkakristiyanuhan bilang isang karagdagang "trabaho" sa pamamagitan ng pagkabit dito ng maraming pagsusundin. Nilinaw ni Jesus na ito ay nilikha para sa tao, ayon sa modelo ng Gumawa ng tao. Ito ang panahon upang ipahinga ang pagod na katawan at pagmunimunihan ang biyaya ng Diyos na nagbigay sa Kaniya ng lakas sa loob ng anim na araw. Bagama't ang sampung utos ay hindi nakasasakop sa mga Cristiano- ang prinsipyo ng pamamahinga ay makikita sa Bagong Tipan. Si Cristo ang ating pahinga, at hindi na mandatoryo ang pangingilin sa sabbath. Salungat sa turo ng iba na nilipat ang sabbath mula Sabado patungong Linggo, walang naganap na paglilipat. Malaya ang sinumang mangilin ng araw ng pamamahinga sa trabaho at pagnilay sa biyaya ng Diyos.
Ikatlo, kahit ang mga hayop ay dapat mamahinga sa sabbath. Kung ang Diyos ay may pagmamalasakit sa mga hayop, siguradong meron sa mga ministro.
Ikaapat kahit ang lupa ay pinapahinga sa sinaunang Israel. Ito ay pagsubok sa mga Israelita kung sila ay magtitiwala sa probisyon ng Diyos sa mga panahong nakatiwangwang ang lupain. Ito rin ay nagbibigay ng pagkakataon sa lupang ma-replenish ang sarili at higit na maging produktibo, isang bagay na kinumpirma ng agham. Ganuon din naman, ang mga ministrong may periodikong pahinga ay higit na magiging produktibo at aktibo dahil nare-replenish ng katawan ang kaniyang sarili. Ang katawang laging nasa state of tension ay delikadong magkaroon ng adrenaline burnout. Napahihingahan din ang isipan.
Ngunit kung minsan, natatakot ang mga ministrong magpahinga. Aminin o hindi, marami ang kumukuha ng kanilang pagkakakilanlan o identidad mula sa kanilang ministri. Kapag wala sila sa aktibong ministri, hindi nila alam kung paano kumilos dahil wala silang identidad hiwalay sa trabaho. Nakikita ang kasong ito sa mga retirado. May mga retiradong bumabalik sa trabaho dahil hindi nila alam kung paano kumilos hiwalay sa kanilang trabaho. Ang iba ay nanghihina at nagkakasakit at ang iba ay bumibigay ang isipan dahil inaktibo na. Ito ay nakalulungkot. Bilang Cristiano, ministro man o hindi, ang ating identidad ay kay Cristo, hindi sa ating sarili, hindi sa ating ministri, hindi sa anumang bagay. Dapat nating alalahaning ang ministri ay resulta ng ating pag-ibig sa Kaniya at mas epektibo ang ministri, mas maganda ang manipestasyon ng pag-ibig ng Diyos sa ating pinaglilingkuran.
Ang iba ay hindi makapagpahinga dahil walang ibang magmamaneho ng simbahan. Ito ay resulta ng pag-iisip na lahat ng trabaho sa simbahan ay dapat gawin ng ministro. Ito ay kaisipang one-man army. Minsan ito ay namana sa sinusundang ministro o ito ay bahagi na ng tradisyon ng simbahan. Kung minsan ito ay kakulangan ng ideya o kapabayaang ihanda ang kongregasyon sa mabubuting gawa. Kung minsan ang pokus ng ating ministri ay lumikha ng perpetuwal mga kodependente. Imbes na turuan ang simbahang maging epektibong manggagawa ng mabuti, sinanay natin silang maging pasibong tagapakinig. Dahil dito, gustuhin man ng ministrong magpahinga, hindi niya magawa dahil walang ibang hahawak ng simbahan. Hindi pa huli ang lahat para mabago ang nakasasamang tradisyong ito.
Ang iba ay hindi makapagpahinga dahil sa control issue. Hindi nila magawang bitawan ang pulpito dahil sa baba ng kanilang self-esteem, natatakot silang ipagkatiwala sa iba ang ministri, kahit isa o dalawang beses lamang para makapagpahinga. Ngunit ito ay isyung may kinalaman sa kung gaano kahusay ang iyong paghahanda sa iyong kongregasyon. Kung mahusay ang iyong preparasyon sa iyong kongregasyon, siguradong may isa o dalawa ang pwedeng maoagkatiwalaang magturo at mamahala nang walang takot na magpapasimula siya ng eresiya.
Natutuwa akong makita na may nagsusulputang parachurch ministries na nakikita ang pangangailangan ng mga ministrong magpahinga at nagpapadala ng magtuturo upang ang regular na ministro ay magkaroon ng oras para magbakasyon. Sa maliliit na simbahang gaya natin, at mga malalayo sa mga parachurch ministries na ito, ang solusyon ay nasa pagkakaroon ng sasalo ng trabaho habang nagbabakasyon ang ministro. Anumang trabaho ay gumagaan kapag pinaghahatian.
Ang Diyos ay nagpakita ng halimbawa. Siya ay nagpahinga kahit hindi Niya kailangan. Tayo na tao at hindi Diyos ay mas nangangailangan nito.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment