Ang kahalagahan ng pahinga part 2
Ang kahalagahan ng pahinga part 2
2 Corinto 11:28 Bukod sa mga bagay na yaon, ay may umiinis sa akin sa araw-araw, ang kabalisahan dahil sa lahat ng mga iglesia.
Basahin ang part 1 dito: https://www.facebook.com/share/p/Q9aRMggR66qhU4ie/?mibextid=oFDknk
Dahil sa karagdagang kabalisahang dala ng pamamahala sa iglesia, mataas ang antas ng burnout at pag-ayaw sa ministri. May nabasa akong mga artikulong nagsasabing maraming ministro ang sumusuko sa gawain, hindi dahil sa kakulangan ng kakayahan o paghahanda sa pagtuturo at pamamahala, kundi dahil sa kakulangan ng nararamdamang suporta at empatiya. Marami ang sumusuko dahil sa kabila ng mga sakripisyo at pagpapagod (pisikal, mental, emosyonal at espirituwal), ang ilan nga ay naaapektuhan ang pinansiyal at pamilyal na obligasyon, marami ang hindi nakararamdam ng suporta, apresasyon at tulong sa ministri.
Ito ay nararamdaman lalo na sa mga maliliit na ministri kung saan ang ministro na ang tagapagturo, tagapaawit, manunugtog at dyanitor. Dagdagan pa ng obligasyong mag-aral at maghanda ng sermon linggo-linggo upang hindi lamang pansinin ng mga tagapakinig kapag Linggo, hindi madaling maunawaan kung bakit marami ang umaayaw. Ang ministri ay hindi para sa mga mahina ang puso o para sa mga naghahanap ng kapakinabangan sa laman. Ang saya siguro ng pakiramdam na isa kang ministro na may sariling staff na naghahanda ng mga bagay-bagay upang ikaw ay makapokus sa mga bagay na may kinalaman sa pag-aaral at pagtuturo ng Salita ng Diyos.
Ngunit kahit sa mga may katuwang na gumagawa ng karamihan sa mga gawaing administratibo, nariyan pa rin ang problema, lalo kung hindi kaya nagkakasundo sa metodo o sa layon ng pamamahala. Kung minsan ang makaluma at hindi na angkop na metodo ay nakababangga ang makabago at hindi nakasanayan na metodo. Nandiyan ang kagustuhang manatili sa kinagisnan at dahil dito ang tendensiya ay magsariling kilos at mapagod nang hindi kinakailangan. Sa malalaking ministri karagdagan ding alalahanin ang ekspektasyon na magtagumpay. Kapag bumaba ang attendance o ang offering o nakatanggap ng puna, ang lahat ng ito ay karagdagang mental na pasanin.
Mas nadadagdagan ang bigat kapag ang ministro ay isang tentmaker, samakatuwid isa siyang bivocational- kailangan niyang magtrabahong sekular upang mapondohan ang pangangailangan ng pamilya at ng ministri. Ang trabaho at ang pamilya ay tumutulong upang hugutin ang pinagkukunang lakas ng manggagawa.
Kalabaw man ay napapagod din. Lalo na ang gawang kulang sa apresasyon.
Natutuwa akong makabasa ng mga artikulong kumikilala sa mga bagay na ito. May nababasa akong may mga simbahang nagbibigay sa kanilang ministro ng paid leave o bakasyon. Hindi pa iyan uso sa Pilipinas, at least sa mga nalalaman kong ministri, kung saan ang manggagawa ay inaasahang magtrabaho full time all the time na walang karampatang kompensasyon. Needless to say ang isang drained na ministro ay isang limitadong ministro.
Paano maaaksyunan ang mga bagay na ito?
Bagama't may mga bagay na kailangang direktang tugunan ng ministro mismo (walang ibang gagawa ng kaniyang trabahong sekular kundi siya mismo), may mga hakbanging makatutulong upang mabawasan ang kaniyang pasan sa balikat. Narito ang ilang mungkahi.
Una, bayaran ninyo at suportahan ang inyong mga ministro. Hindj ko ito sinasabi para sa personal na kapakinabangan, si Pablo mismo ang nagsabi niyan, kundi sa kapakinabangan ng simbahan. Isipin ninyo kung ang ministro ay hindi na kailangang mamroblema ng pinansiyal na pangangailangan ng kaniyang pamilya, anong laking pasanin ang naalis sa kaniyang balikat! Hindi man matugunan ng 100 porsiyento ang lahat niyang pangangailangan, ang pagbibigay kompensasyon ay malaking tulong upang matugunan ang kaniyang basikong pangangailangan. Binabayaran natin ang mga karpinterong gaano man kahusay ay nasisira rin ng anay ang kaniyang obra pagdating ng panahon; bakit hindi natin ito magawa para sa bumubuo ng muog ng ating kaluluwa. Ang mga sekular na guro ay binabayaran, bakit ninyo iniisip na ang mga guro ng Biblia ay hindi. Dito makikita natin amg double standard na nagtutulak sa ilang prospektibong Bible teacher na huwag pumasok sa ministri kundi pumasok na lamang sa sekular na trabaho.
Ikalawa, mababawasan ang pasanin ng ministro kung gagamitin ng bawat miyembro ang kaniyang kaloob para maglingkod. Halimbawa kung may magboluntaryong mamahala sa pagtuturo sa mga bata o sa pagsasanay ng choir o sa pamumuno ng house to house visitations, mas matututukan ng ministro ang ibang trabaho. Lahat ng Cristiano ay may kakayahang mag-imbita ng mga hindi miyembro, magbahagi ng evangelio o gumawa kahit ng simpleng pagsundo o paghatid ng mga bisita at mga bata.
Ikatlo, paminsan-minsan ang okasyonal na pasasalamat o mga salita ng apresasyon ay malakinh bagay. Lahat ay gustong pahalagahan. Kung nararamdaman ng manggagawang napahahalagahan ang kaniyang mga gawa, mas gaganahan siyang magtrabaho. Bigyan ninyo ng munting regalo gaya ng tiket sa sinehan o bayad sa swimming. Ang ganadong ministro ay nangangahulugan ng masipag na manggagawa.
Ikaapat, paminsan-minsan bigyan ninyo siya ng oras na magbakasyon. Maano baga na isa o dalawang linggo, lahat ng gawain sa simbahan, mula pagtuturo hanggang sa bendisyon paguwi ay hati-hating gawin ng mga miyembro. Sa isang kongregasyong maganda ang pamamahala, maraming maaaring masanay na guro at manggagawa.
Ang mga ito ay simpleng bagay ngunit malaki ang magagawa upang madebelop ang mental na kalusugan at marefresh ang patang katawan ng isang ministro. At dahil dito may bago at nagbabagong lakas siya upang muling sumuong sa pakikibaka espirituwal.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment