Ang attitude ng isang mangangaral
Filipos 1:15 Tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo sa kapanaghilian at sa pakikipagtalo; at ng mga iba naman sa mabuting kalooban:16 Ang isa'y gumagawa nito sa pagibig, palibhasa'y nalalaman na ako'y nalalagay sa pagsasanggalang ng evangelio;17 Datapuwa't itinatanyag ng iba si Cristo dahil sa pagkakampikampi, hindi sa pagtatapat, na ang iniisip ay dalhan ako ng kapighatian sa aking mga tanikala.18 Ano nga? gayon man, sa lahat ng paraan, maging sa pagdadahilan o sa katotohanan, ay itinatanyag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako, oo, at ako'y magagalak.
Sa v14, sinabi ni Pablo na natutuwa siya na ang kaniyang pagkabilanggo ay nagbigay ng tapang sa mga kapatid na salitain ang Salita ng Diyos. Sa madaling salita sa kanilang pang-araw-araw na kwentuhan, hindi nila ikinahihiya ang pagkabilanggo ni Pablo dahil alam nilang hindi siya kriminal kundi isang masipag na tagapangaral ng Salita ng Diyos. At mas naging matapang sila sa pag-apirma ng mensahe ni Pablo.
Ngunit sa v15, bagama't maraming kapatid ang nagbahagi ng Salita ng Diyos, hindi lahat ay ginagawa ito sa mabuting layunin. Ang iba ay ginagawa ito upang lalong maging mahirap ang kalagayan ni Pablo ngunit ang iba ay sa pag-ibig.
May dalawang uri ng kapatid:
15 "Tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo sa kapanaghilian at sa pakikipagtalo." - May mga kapatid na sinamantala ang pagkabilanggo ni Pablo upang maghasik ng ng kapighatian kay Pablo. Ang "kapanaghilian" ay nagpapakita ng pagseselos at pagkainggit. Ang "pakikipagtalo" ay nagpapakita na sa halip na pag-isahin ang kapatiran, ginamit nila ito upang idiin si Pablo at magkaroon ng pagkakahati. Marahil sa loob-loob ng mga kapatid na ito, "Nakakulong si Pablo samantalang kami ay malaya na nagpapakitang kami ang tunay na mga lingkod ng Diyos at hindi siya. Bakit hahayaan ng Diyos na makulong ang kaniyang lingkod?" Ngunit gaya ng sinabi ni Pablo ito ay sa Ikasusulong ng evangelio dahil naabot niya ang mga taong karaniwang hindi niya maaabot. Bukod diyan nagbigay siya ng tapang sa iba na sumunod sa kaniyang yapak.
"at ng mga iba naman sa mabuting kalooban." - Ang ikalawang grupo ng kapatid ay ang mga nangaral sa mabuting kalooban. Malinis ang kanilang intensiyon. Hindi nila intensiyong magdala ng kapighatian kay Pablo. Iniisip nila, "Nakukulong ka Pablo pero ang tinig ay hindi mapipigil. Kami ang magiging boses mo dito sa labas."
16 "Ang isa'y gumagawa nito sa pagibig, palibhasa'y nalalaman na ako'y nalalagay sa pagsasanggalang ng evangelio."- Ang mga kapatid na nangangaral sa mabuting kalooban ay ginagawa ito dahil sa pag-ibig. Pag-ibig ang nagtulak sa kanila upang pulutin ang baton na nabitiwan ni Pablo nang siya ay makulong. May nakita silang butas at handa nilang punan ang butas na iyan. Bakit? Alam nilang ang pagkabilanggo ni Pablo ay sa "pagsasanggalang ng evangelio." Hindi siya nakulong dahil siya ay masamang tao o dahil siya ay isang kriminal. Ngunit dahil sa kaniyang pag-asa sa pagkabuhay na maguli siya ay nahahatulan.
17 "Datapuwa't itinatanyag ng iba si Cristo dahil sa pagkakampikampi, hindi sa pagtatapat, na ang iniisip ay dalhan ako ng kapighatian sa aking mga tanikala." - Ang iba ay itinatanyag o pinahahayag si Cristo dahil sa pagkakampikampi, ang kasalanan ng paksiyonalismo. Marahil, ang paksiyonalismo sa Corinto ay kalat din sa ibang lugar at nang ang apostol Pablo ay mabilanggo, nagi itong pagkakataon sa ibang "paksiyon" na magparami. Nakataya rito ang personal na ambisyon. Naghahanap sila ng mga alagad sa kanilang sarili at hindi kay Cristo. Sa halip na sila ay bumaba upang si Cristo ay itaas, gusto nilang itaas ang kanilang sarili. Hindi nila nauunawaan ang pagturing sa iba na mas mabuti kaysa sarili. Nangaral din sila hindi "sa pagtatapat", samakatuwid hindi malinis ang kanilang motibo, mayroon silang natatagong agenda. Marahil, ang prestihiyoso ang nagtutulak sa kanila upang gawin ito. Sa kabanata 4, binanggit ni Pablo na diyos ng ilan sa mga Judaiser ang kanilang tiyan, marahil isa rin itonh motibo, na gamitin ang ministri para sa personal na kapakinabangan. Ang pinakamotinbasyon nila ay dalhan ng "kapighatian" si Pablo. Marahil ang kanilang pangangaral ay nag-u-undermine sa lehitimasya ng ministri ni Pablo. Nasisiyahan din silang makitang nakikita ni Pablo ang pagkasira ng kaniyang pinagpagalan. Kahit nang malaya pa si Pablo may mga sumusunod sa kaniya upang kalabanin ang kaniyang ministri.
18 "Ano nga? gayon man, sa lahat ng paraan, maging sa pagdadahilan o sa katotohanan, ay itinatanyag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako, oo, at ako'y magagalak."- Ano ang attitude ni Pablo sa lahat ng ito? Nakapagtataka ngunit siya ay nagagalak. Ang dahilan ay itinatanyag si Cristo. Maaaring ang iba ay ginagawa ito sa maling motibasyon at motibo ("sa pagdadahilan") at ang ilan ay sa mabuting kalooban ("sa katotohanan") ang mahalaga ay natatanyag si Cristo. Para kay Pablo ang lahat ay si Cristo. Di baleng masira ang kaniyang reputasyon, kung maitatanyag si Cristo, okay lang. Wala siyang personal na taya sa labang ito malibang si Cristo ay maitanyag. Ilan sa atin ang nangangailangang marinig ang mensaheng ito? Isa sa tanong sa aking isipan ay bakit hindi niya sinumpa ang mga Cristianong ito gaya ng mga legalista ng Galatia. Ang aking konklusyon ay tama ang mensahe ng mga kapatid na tinutukoy ni Pablo dito sa Filipos, mali lang ang kanilang motibo at metodo. Hangga't tama ang mensahe, magdadala ng kagalakan kay Pablo ang pagtatanyag kay Cristo. Ngunit sa sandaling ang legalismo o anumang uri ng gawa ay pumasok sa mensahe, ito ay nagdadala ng mabilis na kundenasyon mula kay Pablo.
Ituloy natin sa mga susunod na blogs.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment