Walang Kabuluhan



Sa aklat ng Ecclesiastes, tinalakay ni Solomon ang kawalang kabuluhan ng pamumuhay ng tao sa ilalim ng araw. Ito ay repleksiyon ni Solomon kung paano ang isang taong hiwalay sa Diyos (mapa-mananampalataya man o hindi) ay hindi makasusumpong ng kasiyahan sa buhay. Sa aklat na ito ginamit niya ang "walang kabuluhan" nang 38 ulit sa Ecc 1:2,14; 2:11,15,19,21,23,26; 3:19; 4:7,8,16; 5:10,11; 6:2; 12:8. Nagpapakita ito na walang kahulugan sa buhay na ito kung ikaw ay namumuhay sa ilalim ng araw o namumuhay nang hiwalay sa Diyos (tingnan ang Col 3:1-4 kung saan ang mga Cristiano'y tinawagang ilagak ang isipan sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa lupa, samakatuwid hindi sa ilalim ng araw). Ang mga salitang sa ilalim ng araw ay binanggit ng 29 na ulit sa Ecc 1:3,9,14; 2:11,17,18,19,20,22; 3:16; 4:1,3,7,15; 5:13,18; 6:1,12; 8:9,15,17; 9:3,6,9,11,13; 10:5. Ang kaparehong pariralang "sa ilalim ng langit" ay ginamit sa Ecc 1:13; 2:3; 3:1. 

Isa pang pangunahing tema ng aklat ay ang tungkol sa pakinabang at bentahe. Makikita ang mga ideyang ito sa bentahe on kalamangan Ecc 1:3; 3:19; 5:9,11,16; 6:8,11; 7:11,12; 10:10 at ng pakinabang o tubo sa Ecc 2:11; 3:9; 10:11. Ang tanong na gustong sagutin ni Solomon ay ano ang bentahe sa buhay na ito?

Dahil sa ang kasiyahan at identidad ni Solomon ay sinukat niya sa kaniyang mga gawa, mahalagang paksa rin ang gawain/pagpapagal/trabaho sa kaniyang aklat. Makikita ang mga ito sa Ecc 2:10,11,17,18,19,20,21,22,24; 3:13; 4:4,6,8,9; 5:15,18,19; 6:7; 8:17; 9:9. Kahit ilang gusali at hardin at kahit gaano karaming akomplisimiyentong natamo ni Solomon, wala siyang nakikitang bentahe sa mga ito. Sa paningin ni Solomon, anumang kaniyang gawin ay nauuwi sa wala o "isang paghahabol sa hangin": Ecc 1:14,17; 2:11,17,26; 4:4,6,16; 6:9. Lahat ng ito ay masama (ginamit ng 31 na ulit) sa kaniyang paningin. Hindi nangangangahulugan ng moral na kasamaan kundi hindi kaaya-aya sa kaniyang paningin. Para sa kaniya ang mga ito ay hindi makatarungan. 

Bakit sa kabila ng kaniyang mga akomplisimiyento, negatibo ang ebalwasyon ni Solomon sa buhay? Ang pangunahing dahilan ay ang isyu ng kamatayan. Walang indikasyon sa aklat na may buhay lagpas sa buhay na ito, at marahil ito ang dahilan kung bakit iniisip ni Solomon na para saan ang kaniyanh kayamanan, karunungan at akomplisimiyento kung pagdating ng panahon, kukunin din siya ni kamatayan. Wala siyang nakikitang pagkakaiba sa kamatayan ng mangmang at marunong; ni hindi niya nga makita ang pagkakaiba ng kamatayan ng tao at ng hayop. Pareho kang silang patay. Tinalakay ni Solomon ang isyu ng kamatayan sa Ecc 4:2; 7:1,26; 8:8; 9:3,4,5; 10:1. Ang pandiwang namatay (at ibang kabanghayan nito) ay makikita rin sa Ecc 2:16; 3:2,19; 5:16; 7:17 at 9:15. Ayon kay Solomon kapag ang tao ay namatay, katapusan na para sa kaniya. Wala siyang leksiyon tungkol sa pagkabuhay na maguli o ng gantimpala sa lahat ng pinagpagalan sa lupa. Para sa kaniya kapag siya ay namatay, sayang lang ang lahat ng kaniyang pinagpagalan. 

Malinaw na ang negatibong pananaw na ito sa buhay ay salungat sa ibang bahagi ng Biblia. Kung ganuon, bakit sinuksok ang aklat na ito sa Kasulatan? Naniniwala akong kaya ito nakapasok sa Kasulatan ay upang ating makita kung ano ang buhay na hiwalay sa Diyos- buhay na puno ng kabiguan, kalungkutan at kawalan ng halaga. Kapag naunawaan natin ito, mas mapahahalagahan natin ang mga aral ng Biblia patungkol sa pamumuhay na kapisan ang Diyos. Sa mga susunod na blog, ipagpapatuloy ko ang pagbabahagi tungkol sa Ecclesiastes. 







Comments

Popular posts from this blog

Nangungulila sa isang Ama

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION