Sino ang Sumulat ng Ecclesiastes?
Ecclesiastes 1:1 Ang mga salita ng Mangangaral, na anak ni David, hari sa Jerusalem.
Sino ang sumulat ng Ecclesiastes? Ang aklat ay nagsimula sa pagpapakilala sa Mangangaral, ang Qoheleth, isang nagtitipon ng mga tao sa layuning magbahagi ng impormasyon, isang mangangaral, isang guro o isang debatista. Sa Griyego, sinalin ito na Ekklesiastes na siyang pinagmulan ng ating titulo sa Ingles at sa Filipino.
Pinakilala si Qoheleth bilang anak ni David at hari sa Jerusalem. Bagama't ang salitang anak ay maaaring gamitin sa lahi o kamag-anakan, mas maiging unawain ito bilang aktuwal na anak ni David at sa mga anak ni David, si Solomon ang pinakamalapit sa paglalarawang binigay sa aklat. Sa madaling salita, bagama't hindi direktang binanggit sa aklat, marami ang naniniwalang si Solomon ang may-akda ng Ecclesiastes.
Marami ang tumututol na ang kakaibang Hebreo ng aklat ay indikasyong hindi si Solomon ang sumulat nito, at marahil ay nasulat sa panahon ng mga Perseo at naging Griyego. Samakatuwid may ibang taong sumulat ng aklat sa ngalan ni Solomon, at ito ay isang pious fiction o kay ay isang religious devotional. Ang mga pagtutol na ito ay sinagot na ng mga konserbatibong iskolar na may mataas na pagpapahalaga sa Kasulatan at tinuturo ko kayo sa kanilang mga aklat. Sapat nang sabihing pareho ang tradisyong Judeo at konserbatibong Cristianong iskolarship ay nagsasabing walang dahilan upang pagdudahan ang awtorship ni Solomon.
Sino si Solomon? Siya ang ikalawang anak ni David at Bathshebah. Ang una nilang anak ay bunga ng pangangalunya ni David at Bathshebah at ang malungkot na kwento, kasama na ang pagkamatay ng bata ay mababasa sa 2 Samuel 12. Ayon sa 2 Sam 12:25, ang ikalawang anak, si Solomon, ay mahal ni Yahweh at pinangalanang Jedidiah, "minamahal ni Yahweh."
Bilang resulta ng matagumpay na pakikipagdigma ni David, si Solomon ay tagapagmana ng pinakamakapangyarihan, pinakamayaman at pinakatahimik na kaharian ng kaniyang panahon. Ito ay sinusuportahan ng mga dokumentong historikal na nagsasabing ang Egipto sa panahong ito ay abala sa domestikong problema at ang Asiria ay mahina pa. Dahil alam ni Solomon ang kaniyang kakulangan, humiling siya sa Diyos ng isang maunawaing puso sa 1 Hari 3:9, sa halip na kayamanan, buhay ng kaniyang mga kaaway o mahabang buhay. Labis na natuwa si Yahweh sa sagot na ito ni Solomon kaya binigyan Niya siya hindi lamang ng hinihinging karunungan kundi pati kayamanan, haba ng buhay at katahimikan mula sa mga kaaway, 1 Hari 3:13-14. Ang kaniyang buong paghahari ay mailalarawan sa mga salitang kasaganaan at katahimikan, hanggan sa huling bahagi ng kaniyang paghahari nang dahil sa kaniyang rebersiyonismo, nagsimulang maglitawan ang mga kaaway ng bansa, 1 Hari 11.
Dahil sa kasaganaan, at dahil sa pag-ibig sa maraming babae, na karamihan ay dayuhan at mananamba ng ibang diyos, sa kaniyang pagtanda, naging rebersiyonista si Solomon. Hindi binanggit sa Kasulatan kung bumalik si Solomon kay Yahweh ngunit naniniwala akong oo. Ang nakikita kong ebidensiya diyan ay ang Ecclesiastes. Sinulat niya ang Ecclesiastes upang like ikuwento ang kaniyang karanasan sa ilalim ng araw (pamumuhay nang hiwalay sa Diyos). Ikinuwento niya kung paano siya naghanap ng kasiyahan sa buhay na ito ngunit hindi niya masumpungan. Sa kaniyang konklusyon, sinabi niyang ang buong katungkulan ng tao ay ang matakot sa Panginoon at sundin ang Kaniyang mga utos, dalawang bagay na nakalimutan ni Solomon. Ayaw niyang maranasan ng iba ang sakit na kaniyang naranasan, ang pakiramdam ng kawalang kabuluhan, dahil sa paghahanap ng kasiyahan na hiwalay kay Yahweh. Ang aklat ng Ecclesiastes ay ang kaniyang awtobiograpiya. Sinumang kabataang babasa ng aklat na ito ay matututunan ang leksiyon na gustong iwan ni Solomon- alalahanin ang Tagapaglalang sa panahon ng kabataan, Ecc 12:1-4. Huwag ninyong hintaying tumanda bago kayo magdesisyong maglingkod sa Diyos kung kailan mahina na ang katawan at hindi na magagamit upang luwalhatiin Siya.
Ayon sa 1 Hari 4:29-34, nasa loob ng kakayahan ni Solomon ang sumulat ng aklat na ito. Nakasulat siya ng 3000 na kawikaan at 1005 na awit. Ang isang maikling aklat ay madaling bagay lamang sa kaniya lalo kung ang mga materyal na gagamitin ay ang sarili niyang repleksiyon sa kaniyang "mga eksperimento" sa buhay kung paano sumaya. Siya rin ang sumulat ng Kawikaan at Awit ni Solomon. Sa aking opinyon, sinulat niya ang Kawikaan nang siya ay bata pa at sumusunod pa sa mga aral ng kaniyang ama, naniniwala akong karamihan sa mga kawikaan ay leksiyon ni David gaya nang pinakikita ng malimit na gamit ng "ama" sa aklat. Ang Awit ni Solomon ay sinulat niya sa kalagitnaan ng buhay nang siya ay idealista pa sa babaeng kaniyang napupusuan, sa panahong ito hindi pa aabot sa sanlibo ang mga babae sa buhay ni Solomon, Awit ni Solomon 6:8. At ang Ecclesiastes ay ang kaniyang maturong repleksiyon sa kaniyang buhay at sinulat nang siya ay matanda na at nanumbalik sa Panginoon. Pinagnilayan niya ang kaniyang buhay at nakita kung paano niya sinayang ang kaniyang kabataan sa paghahanap ng kasiyahan samantalang dapat sana ay natakot siya sa Panginoon at sumunod sa Kaniyang mga utos. Kung tama ang opinyong ito, ang Ecclesiastes ang kaniyang swan song, ang kaniyang Huling Paalam, ang huli niyang habilin sa mga kabataan upang hindi sila sumunod sa kaniyang mga yapak ay alalahanin ang Panginoon sa panahon ng kabataan, matakot sa Kaniya at sundin ang Kaniyang mga utos. Ang malusog na relasyon sa Diyos ang susi ng tunay na kasiyahan sa buhay.
Ito ay isang aral na dapat matutunan ng maraming kabataan (at maging ng matatanda) na inaakalang ang kasiyahan ay nasa maibibigay na materyal ng buhay na ito.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment