Ecclesiastes



Ang Ecclesiastes ang aking pinakapaboritong aklat. Weird marahil dahil bilang isang dispensationalista, marahil iniisip ninyo pinakapaborito ko ang Efeso a kahit alin sa mga epistula ni Pablo. Bagama't sa mga epistula ni Pablo masusumpungan ang pinakadetalyadong eksposisyon ng kakaibang espirituwal na buhay ng mga Cristiano, ang Ecclesiastes ang pinakamalapit sa aking puso. Marahil dahil ako ay produkto ng modernong panahon at ang Ecclesiastes ay nagkukwento ng kawalang buluhan ng buhay hiwalay sa Diyos, na pangunahing katangian ng modernong panahon. Sa pag-aaral ng aklat na ito, makikita natin ang kahalagahan ng pagtamo ng dibinong pananaw (Divine Viewpoint, DVP) na makikita sa mga epistula ni Pablo. 

Isinasalaysay ng Ecclesiastes kung ano ang mangyayari sa taong "naglagak ng kanilang isipan sa mga bagay na nasa lupa," Col 3:2. Na kay Solomon na ang lahat, ngunit hindi siya masiya. Sinikap hanapin ni Solomon ang sikreto ng kasiyahan ngunit hindi niya ito mahanap. Nang sumulat si Thieme ng aklat, pinamagatan niya itong House of Cards dahil ang sinumang nagtatayo ng kasiyahan sa mga detalye ng buhay nagtatayo ng bahay na gawa sa baraha. Kaunting ihip lamang at ito ay babagsak. Pinamagatan ni Wiersbe ang kaniyang munting komentaryo na Be Satisfied, na nauunawaang ang satispaksiyon ay hindi masusumpungan sa ilalim ng araw, kundi sa ibabaw pa nito, sa kalangitan kung saan nakaupo si Cristo. Ang titulo ng aklat ni David Jeremiah ay Searching for Heaven on Earth. Ito ang ginagawa ng karamihan sa mga tao, naghahanap ng langit sa lahat ng maling dako. At dahil hindi nila ito masumpungan, sila ay nakararanas ng prustrasiyon. 

Sa isang basa, ang aklat na ito ay sumasalungat sa Salita ng Diyos, at ito ay dahil ito ay aklat tungkol sa rasong pantao "sa ilalim ng araw," isang pariralang ginamit ng 29 na beses sa aklat. Binalibaliktad niya ang sanlibutan para masagot ang bugtong ng buhay, upang masumpungan kung ano ba talaga ang mahalaga sa buhay. Sa buong paghahanap na ito, gamit niya ang kaniyang sariling isipan, na hiwalay sa Diyos. 

Dahil sa ito ay isang pagsisiyasat na hiwalay sa Diyos, maraming konklusyon si Solomon na tila baga salungat sa Kasulatan. Halimbawa, tila ito nagtuturo ng pilosopiyang ebolusyonismo. Hindi nitk tinuturo ang ebolusyon dahil si Solomon ay naniniwalang ang Diyos ang may likha ng lahat ng bagay, ngunit ang espiritu ng ebolusyonismo ay buhay sa kaniyang isipan- hindi niya makita ang pagkakaiba ng hayop at tao, Ecc 3:18-21. Tila rin nagtuturo si Solomon ng pagtulog ng kaluluwa, Ecc 9:5-10. Sa katotohanan walang indikasyong nasa isipan ni Solomon ang anumang bagay na may kinalaman sa buhay labas sa pangkasalukuyang buhay. 

Kung hindi kikilalanin ang katotohanang ang Ecclesiastes ay nagtuturo ng kaisipang pantao (human viewpoint, HVP), marami ang mag-aakalang may kontradiksiyon sa Kasulatan. Ito ang paboritong aklat ng mga kultong gustong magsulong ng kakaibang mga doktrina. Sa katotohanan ang Ecclesiastes ay may mga katotohanan, hating-katotohanan, at kabulaanan dahil matapat na nirekord ng Kasulatan ang kaisipan ni Solomon nang siya ay nasa rebersiyonismo. Kailangang ikumpara ang mga konklusyon ni Solomon sa ibang bahagi ng Kasulatan upang madetermina kung alin ang totoo at alin ang hindi. 

Sa kahuli-hulihan, ang konklusyon ni Solomon ay bumabalik pa rin sa pangangailangan sa Diyos. Natanto niyang ang buong tungkulin ng tao ay ang magkaroon ng takot sa Diyos, na siyang pasimula ng karunungan, at sumunod sa Kaniyang mga utos. Ito ang katungkulan ng tao, at susi sa satispaksiyon at kasiyahang hindi maibibigay ng anumang kayamanan. Ang payo ni Solomon sa mga kabataan: hanapin ang Panginoon habang bata pa, bago pa dumating ang mga kasamaang kaugnay ng katandaan- bago manghina ang katawan, makaranas ng paglabo ng mata at pagkabingi, bago makaranas ng katakutang dala ng kakulangan ng lakas at bago ang mga sakit na maaaring magdala ng kamatayan. Ito ay isang payong mainam na pakinggan ng mga kabataan ngayon. Kailan ka pa maglilingkod kapag huli na ang lahat. 

Sabi nga ng kanta:


"Kailan Pa" by Papuri Singers

[Verse 1]

Kailan pa ibibigay ang buhay mo’t lakas

Sa Kanya na nagbigay sa’yo nang buhay na wagas

[Verse 2]

Ang Pangalan Niyang banal Kailan itatanyag

Kung wala nang pagkakataon at huli na ang lahat

[Chorus]

At kung ang araw mo’y lumipas na

Makuha mo pa kayang S'ya ay paglingkuran

Kailan pa kaya maglilingkod sa Dios

Kung hindi ngayon kailan pa

(https://gracelyrics.com/song-lyrics/papuri-singers/kailan-pa-lyrics)

Kabataan, paglingkuran ninyo ang Panginoon habang kayo ay may lakas pa. Huwag ninyong hintaying pagtanda ninyo saka kayo magsisi na hindi ninyo naibigay ang inyong paglilingkod sa Diyos nang kayo ay malalakas pa. Kung hindi ngayon, kailan pa? 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)



Comments

Popular posts from this blog

Nangungulila sa isang Ama

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION