Asan ka Ligaya?
Sa Kabanata 2, sinubukan ni Solomong hanapin ang ligaya sa iba't ibang lugar. Ngunit gaya ng asong himnahabol ang kaniyang sariling buntot hindi niya ito maabutan kahit paikot-ikot na siya. Ito ang kwento ng maraming tao na naghahanap ng kaligayahan sa lahat ng maling dako.
Bilang hari, kayang kaya ni Solomong pondohan ang kaniyang paghahanap ng ligaya. Kahit ano, kahit gaano kamahal, ang mahalaga ay masumpungan ang inaasam na ligaya.
Ecc 2:1 Sinabi ko sa aking puso: Pumarito ka ngayon, Susubukin kitang may kasayahan; kaya't magsawa ka sa kalayawan: at narito, ito rin ay walang kabuluhan.
Ang unang sinubukan ni Solomon ay kalayawan. Ibinigay niya sa sarili ang lahat ng kalayawang kaniyang masusumpungan. Ang gastos ay hindi problema, ang langit ang limitasyon. Kung mayroon mang orihinal na YOLO at FOMO, si Solomon na iyon. Ngunit ang kaniyang nadiskubre ay isang kaululan ang pagtawa at ni hindi niya alam kung ano ang sadya ng kasiyahan, samakatuwid, ang kasiyahan ay pansamantala at walang iwang halaga.
Ikalawang sinubukan niya ang alak.
Ecc 2:3 Aking siniyasat sa aking puso na kung paanong masasayahan ang aking katawan sa pamamagitan ng alak, pinapatnubayan pa ng karunungan ang aking puso at kung paanong hahawak sa kamangmangan, hanggang sa aking makita kung ano ang mabuti sa mga anak ng mga tao na marapat nilang gawin sa silong ng langit sa lahat ng mga kaarawan ng kanilang buhay.
Ngunit hindi siya naging lasenggero na titigil lamang kung wala nang malay. Malinaw niyang binanggit na siya ay uminom ng alak ngunit ginawa niya ito sa paraang pinapatnubayan ng karunungan. Ibig sabihin, hindi siya nawalan ng huwisyo. Umiinom siya sa matatawag nating moderate drinking. Mga mamahalin at importang alak, lahat iyan sinubukan niya. Kontrolado niya ang kaniyang huwisyo at hindi siya nagpakontrol sa kamangmangan. Nadiskubre niyang ang alak ay hindi nagbibigay ng kahulugan sa buhay. Maraming tao ngayon ang natanto rin ito. Bukod sa gastos sa bulsa, sakit ng ulo at malamang na away domestiko, ang magpakalango sa alak ay walang kakayahang magbigay ng kahulugan sa buhay.
Ang ikatlong sinubukan niya ay ang magtayo ng maraming proyekto. Siya ang OG na Build Back Better at Build, Build, Build!
Ecc 2:4a Gumawa ako sa ganang akin ng mga malaking gawa; nagtayo ako sa ganang akin ng mga bahay...
Nagpasimula siya ng malawakang infrastructure project. Ang aklat ng 1 Hari ay testamento sa maraming imprastrakturang pinatayo ni Solomon, kabilang na ang templo ni Yahweh. Nagpatayo siya ng mga bahay, palasyo para sa kaniya, para sa anak ni Faraon, at para sa ibang mga asawa at anak. Normal na siguro ito sa mga hari, ang makasumpong ng kasiyahan sa kaniyang mga imprastraktura, Dan 4:29-30. Muli, hindi rin ito ang solusyon. Kailan kaya madidiskubre ng mga Cristiano na ang pagpapatayo ng mga bahay nang walang atensiyon sa mga espirituwal na bagay ay walang kabuluhan, Hag 1:4?
Ikaapat, sinubukan niyang maging plantito at asyendero. Ilang tao na ang nagpatayan nang dahil sa lupain at pananim!
Ecc 2:4b ...nagtanim ako sa ganang akin ng mga ubasan; 5 Gumawa ako sa ganang akin ng mga halamanan at mga liwasan, at aking tinamnan ng mga sarisaring puno ng kahoy na nagkakabunga: 6 Gumawa ako sa ganang akin ng mga tipunan ng tubig, upang dumilig ng gubat na pagtatamnan ng mga puno ng kahoy.
Bukod sa pamumuhunan sa estado real, namuhunan din siya sa agrikultura. Mayroon siyang Farm! (Siguro kong mayroon na noon, baka may McLaren din siya at helikopter!) Ngunit muli, gaano man kaganda ng ekolohiya, at gaano man kaestetik ng kaniyang mga tanim, ang kasiyahang dala nito ay pansamanta lamang.
Ikalima, nagtipon siya ng mga pag-aari, kabilang na ang mga alipin at musikero.
Ecc 2:7 Ako'y bumili ng mga aliping lalake at babae, at nagkaroon ako ng mga aliping ipinanganak sa aking bahay; nagkaroon din naman ako ng mga malaking pag-aari na mga bakahan at mga kawan, ng higit kay sa lahat na nauna sa akin sa Jerusalem: 8 Nagtipon din ako sa ganang akin ng pilak at ginto, at ng tanging kayamanan ng mga hari at ng mga lalawigan: nagtatangkilik ako sa akin ng mga lalaking mangaawit at mga babaing mangaawit, at ng mga kalayawan ng mga anak ng mga tao, mga sarisaring instrumento ng musiko iya'y totoong marami.
Comments
Post a Comment