ANO BA TALAGA ANG MAHALAGA?
Apat na salita lang. Pero kung titingnan mo, ito ang apat na bagay na hindi kayang bilhin ng pera.
1. ANG PINAKAMAHALAGA SA BUHAY: ANG DIYOS
Ang mundo ay nag-aalok ng maraming bagay: trabaho, katanyagan, yaman, relasyon. Pero pag wala ang Diyos sa gitna ng lahat ng iyon, kulang pa rin.
Mateo 6:33: “Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”
Kapag inuna mo ang Diyos, tama ang direksyon ng buhay mo. Siya ang pundasyon. Siya ang layunin. Siya ang simula at katapusan.
Awit 73:25: “Sino ang nasa langit ko kundi ikaw? At sa lupa ay wala akong minimithi liban sa iyo.”
2. ANG PINAKAMAGANDANG DAMIT: ANG NGITI
Ang ngiti ay hindi lang galaw ng labi. Ito ay bunga ng pusong payapa.
Kawikaan 15:13: “Ang masayang puso ay nagpapagaling ng mukha: nguni't sa kapanglawan ng puso ay nangalulungkot ang diwa.”
Ang tunay na kagalakan ay hindi nanggagaling sa perpektong buhay. Nanggagaling ito sa kaalamang mahal ka ng Diyos kahit sa gitna ng problema.
3. ANG PINAKADAKILANG YAMAN: PANANAMPALATAYA
Ano ang dala mo kapag humaharap ka sa unos? Hindi bank account. Hindi diploma.
Ang dala mo ay ang pananampalataya mo sa Diyos.
Hebreo 11:1: “Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.”
Ang pananampalataya ang nagpapatatag sa atin. Ito ang nagbibigay sa atin ng tapang na magpatuloy kahit madilim.
2 Corinto 5:7: “Sapagka't nagsisilakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin;”
4. ANG PINAKAMAKAPANGYARIHANG PUWERSA: PAG-IBIG
Walang tatalo sa pag-ibig. Walang pader na hindi kayang gibain. Walang sugat na hindi kayang pagalingin.
1 Corinto 13:7-8: “Lahat ay binabata, lahat ay nananampalataya, lahat ay umaasa, lahat ay nagtitiis. Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man:”
At ang pinakadakilang pag-ibig ay hindi galing sa tao. Galing ito sa Diyos.
1 Juan 4:9: “Dito nahayag ang pagibig ng Dios sa atin, sapagka't sinugo ng Dios ang kaniyang bugtong na Anak sa sanglibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya.”
ANG PINAKAMAHALAGANG PAANYAYA: MANIWALA KA KAY JESUS PARA SA BUHAY NA WALANG HANGGAN.
Kaibigan, lahat ng apat na ito - Diyos, kagalakan, pananampalataya, pag-ibig - ay matatagpuan mo kay Jesus.
Hindi mo kailangang kumpletuhin muna ang buhay mo para lumapit sa Kanya. Ang kailangan mo lang ay manampalataya.
Juan 3:16: “Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sumampalataya sa kaniya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Si Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao. Siya ang namatay sa krus para bayaran ang lahat ng kasalanan mo. Siya ay nabuhay muli para bigyan ka ng bagong buhay.
Juan 11:25: “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya;”
Ngayon, inaanyayahan ka Niya.
Manampalataya ka kay Jesus. Manampalatayang mahal ka Niya. Manampalatayang kaya Niyang iligtas ka. Manampalatayang sa Kanya lang may buhay na walang hanggan.
Kapag ginawa mo iyon, magsisimula ang buhay na tunay na mahalaga.
Isang buhay na may Diyos sa gitna, may ngiti sa puso, may pananampalataya sa pagsubok, at may pag-ibig na hindi nauubos - magpakailanman.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Download for free:
The Epistle of James
https://faithalone.org/ebooks/santiago/
The Epistles of John
https://faithalone.org/ebooks/ang-epistula-ni-juan-isang-maikling-komentaryo/


Comments
Post a Comment