New year, refreshed faith, same God

 


Thank you Ama sa bagong taong dinagdag mo sa aming mga buhay. Salamat sa sariwang pagka-awa at biyaya kada umaga. 

Sa bagong taon na dumating sa aming buhay, ikaw pa rin ang dating Diyos, na umiibig at nagmamalasakit sa Iyong mga anak. 

Salamat Ama and we look forward for a more intimate relationship and a deepening faith. Patuloy mo kaming gabayan lalo kung napapamali kami ng mga desisyon. 

Tulungan mo kaming lumago sa aming pananampalataya. Tulungan mo kaming gamitin ang taong ito upang tubusin ang panahon dahil sa ang panahon ay masama. 

Tulungan mo kaming maggugol ng mas maraming oras sa pagsamba sa Iyong pangalan, mag-aral ng Iyong Salita, gamitin ang Iyong Salita sa araw-araw na buhay, manalangin, makisama sa kapatiran, magpasalamat, magbahagi ng Iyong Salita at ibigin ang aming kapwa. Gabayan Mo kami sa pag-iingat at pangunguna sa aming mga pamilya. Turuan Mo kaming maging masipag sa Iyong gawain. 

Lalo naming pahalagahan ang Iyong mga layon nang higit sa aming personal comfort. Huwag nawa kami madala ng sanlibutan. Huwag kaming maghangad ng aprubal ng mga tao. Piliin namin ang Iyong daan kahit kami ay nag-iisang lumakad. At dalhin nawa namin ang aming pamilya sa paglalakbay ng pananampalataya.

Humihingi kami ng patuloy na biyayang pinansiyal. Lumalaki at dumarami ang aming gastusan, hiwalay sa Iyo wala kaming mapagkukunan. Pagpalain mo ang aming hanapbuhay, ang aming mga propesyon at negosyo, at gamitin namin ang mga ito sa Iyong kaluwalhatian. 

Ingatan Mo ang aming kalusugan at kaligtasan sa araw-araw. Pasama nang pasama ang panahon at ilayo Mo kami sa masasamang kaisipan ng mga tao at ng mga demonyo. 

Ingatan Mo ang aming mga anak. Hindi sa lahat ng panahon nababantayan namin sila at hindi namin nakokontrol ang kanilang mga desisyon ngunit nawa gabayan sila ng Iyong Salita. Huwag nawa nilang kalimutan ang pananampalataya at pagpapahalagang Cristiano.

Ang taong 2026 ay maging taong pipiliin naming maging kawangis ni Cristo at ilaw sa sanlibutan. Amen. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)


Download for free:

https://faithalone.org/ebooks/santiago/




Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Panalangin sa Kapatiran

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION