Epafrodito: Kapatid, Kamanggagawa, Inyong Sugo at Katiwala sa Pangangailangan


Filipos 2:25 Nguni't inakala kong kailangang suguin sa inyo si Epafrodito, na aking kapatid at kamanggagawa, at kapuwa kawal at inyong sugo at katiwala sa aking kailangan.26 Yamang siya'y nananabik sa inyong lahat, at totoong siya'y namanglaw, sapagka't inyong nabalitaan na siya'y may-sakit:27 Katotohanan ngang nagkasakit siya na malapit na sa kamatayan: nguni't kinahabagan siya ng Dios; at hindi lamang siya kundi pati ako, upang ako'y huwag magkaroon ng sapinsaping kalumbayan.

Sa kabanata dos, makikita natin ang mga halimbawa ng mga taong binilang ang iba na mas maigi sa sarili at ipinaglingkod ang kanilang buhay sa pamamaraang naayon sa pananampalataya ng evangelio. Nakita na natin ang halimbawa ng Panginoong Jesus mismo na nag-anyong tao dahil sa pagsunod sa Ama, ni Pablo at ni Timoteo at ngayon naman ay si Epafrodito. Ang Epafroditong ito ay sinugo ng Simbahan ng Filipos upang magdala ng ayuda kay Pablo. Ngunit sa misyong ito, nagkasakit si Epafrodito na muntik nitong ikamatay at nagdulot ng kalumbayan kay Pablo. Nang mabalitaan ng simbahan ng Filipos ang pagkakasakit na ito, nagdala ito ng kapanglawan sa kanila; mabuti na lamang at gumaling ito dahil kung hindi magdadala ito ng sapinsaping kapanglawan kay Pablo. 

"Nguni't inakala kong kailangang suguin sa inyo si Epafrodito, na aking kapatid at kamanggagawa, at kapuwa kawal at inyong sugo at katiwala sa aking kailangan." Dahil hindi pa tamang panahon (naghihintay pa si Pablo sa Panginoong Jesus) na suguin si Timoteo, minagaling ni Pablong suguing pauwi si Epafrodito sa Filipos. Tinawag niya itong "aking kapatid" (larawan ng intimasya, lahat ng Cristiano ay magkakapatid ngunit ang paggamit ng akin ay nagpapakita ng pagiging malapit), "kamanggagawa" (siya ay pastor-guro ng Filipos), "kapuwa kawal" (bahagi ng Hukbong Royal ng Diyos), "inyong sugo at katiwala sa pangangailangan" (siya ang nagdala ng ayuda kay Pablo). Ang mga ito ay salitang nagpapakita ng mataas na paggalang sa paglilingkod at katapatan ni Epafrodito. Hindi lang siya ordinaryong mananampalataya, siya ay mananampalatayang tapat na naglilingkod. 

"Yamang siya'y nananabik sa inyong lahat, at totoong siya'y namanglaw, sapagka't inyong nabalitaan na siya'y may-sakit." Si Epafrodito ay nakararanas ng "homesickness." Namimiss niya na ang simbahan sa Filipos at siya'y namanglaw nang mabalitaan ng simbahang siya ay nagkasakit. Ito ay nagpapakita ng malapit na kaugnayan sa pagitan ni Epafrodito at ng simbahang kaniyang pinaglilingkuran. Ilang simbahan kaya ang malulungkot kung magkasakit ang kanilang ministro? Ilan ang tila wala lang nangyari? Ilang ministro ang sabik na humarap sa simbahan upang magturo? Ilan ang sumisipot lamang dahil napipilitan o dahil ito ang kaniyang pinagkukunan ng pangangailangan? 

"Katotohanan ngang nagkasakit siya na malapit na sa kamatayan: nguni't kinahabagan siya ng Dios; at hindi lamang siya kundi pati ako, upang ako'y huwag magkaroon ng sapinsaping kalumbayan." Sa mga salitang itong puno ng pagmamahal, pinakita ni Pablo kung gaano kalapit at kahalaga sa kaniya si Epafrodito. Inapirma niyang nagkasakit si Epafrodito na muntik niyang ikinamatay. Ngunit sa habag ng Diyos kay Epafrodito siya ay gumaling. Ito rin ay kahabagan kay Pablo dahil kung namatay si Epafrodito, mapupuno siya ng kalumbayan. Niligtas siya ng Diyos sa sapinsaping kalumbayan nang pagalingin Niya si Epafrodito. Marahil sumisigaw ang puso ni Pablo, "Mabuti ang Diyos!"


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)





Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Panalangin sa Kapatiran

Nangungulila sa isang Ama